Gen P, Magbigay Pugay sa mga Ninuno

Talumpati sa pagtatapos ng Class of 2024 ni Horacio “Howie” Severino

May isang katangiang dapat niyong dala habang buhay, at iyan ay ang pasasalamat.
Tandaan niyo sa araw na ito ang lahat ng taong nakapagbigay sa inyo ng edukasyon, mga
nagsakripisyo at sa gitna ng pandemya, nagbigay sa inyo ng pagkakataong ipagpatuloy ang inyong pag-aaral.

Marami nang nagdaang henerasyon, pero kayo ay katangi-tangi. Tinatawag kayong Gen Z, pero tandaan na kayo rin ay mga miyembro ng Gen P, the Pandemic Generation, na-lockdown, nasanay mag online class, at napuno ng takot lumabas at mahawa. Marami sa atin ay namatayan at nag luksa.

Lahat tayo ngayon dito ay survivors ng matinding pandemya at kasama sa Gen P. Ngunit pagtanda ninyo, graduates, kayo nalang ang matitira sa Gen P, at ang mga kabataan sa kinabukasan ay magpapakuwento sa inyo – mga lolo’t lola nila – kung paano kayo nabuhay at nakapag-aral sa kalagitnaan ng pandaigdigang lunos. Huwag ninyong kakalimiutang gunitain at magbigay pugay sa mga magulang at guro ninyo, mga nag-alaga sa inyo at nakahanap ng paraan para kayo’y makapagtapos sa kabila ng matinding pagsubok.

Ngayon, may simpleng tanong ako para sa inyong lahat – sino rito ang nag-aa-identify bilang Batangueño? Sinong Batangueño rito, magtaas lang ng kamay?


Bakit niyo sinasabing Batangueño ka?

Ang karamihan sa inyong mga Batangueño, dito na ipinanganak at lumaki. Ako naman ay isang Batangueñong hindi rito ipinanganak at lumaki. Pinili kong maging Batangueño. Ipinanganak ako sa Maynila, ngunit kahit minsan hindi ko tinawag ang sarili kong isang Manileño.

Nang makapag-asawa ako ng isang masigasig na Batangueña, isang abogada, iyan ang simula ng aking pagsusuri ng kultura at kasaysayan ng Batangas. At marami akong natuklasan.

Ang buwan ng Hunyo ay hindi lang panahon ng mga graduation kundi buwan kung kailan ginugunita ang kalayaan ng Pilipinas.

June 12, 1898, idineklarang malaya ang bagong bayan na Pilipinas.


Ngunit nalaman ko sa aking pagbabasa na habang itinataas ang bandila sa Kawit, Cavite, matindi ang labanan sa Batangas sa pagitan ng mga Kastila at ng bagong hukbo ng mga Pilipino. Maraming sibilyan ang sumanib kina Heneral Paciano Rizal at Heneral Eleuterio Marasigan sa Tanauan, Lipa, at lungsod ng Batangas sa araw na ito nung Hunyo, taong 1898. Sa katedral ng Lipa nagkubli ang maraming Kastilang sundalo habang nakapaligid naman ang tropa nila Paciano Rizal at General Marasigan kasama ang taumbayan ng Lipa. Tulad ng naganap noong people power ng 1986, naglakas loob magbigay pagkain at suporta ang mga sibilyan sa mga tropa sa Lipa noong June 1898.


Tumagal ng labing-isang araw ang siege of Lipa hanggang sumuko ang mga ginugutom na Kastila sa loob ng katedral.


June 18, 1898 ang petsa ng victory ng Lipa.


Nabighani ako sa mga nalaman ko tungkol sa mga sunod na pangyayari: pinayagan ang mga sumukong Kastilang mag martsa palabas ng simbahan hawak pa ang mga baril bagamat wala nang bala. Talo man ang mga Kastila sa laban, tiniyak ng mga Pilipino na buo pa rin ang dignidad ng mga kalaban. Nagbigay pang utos ang kumander sa Batangas, si Heneral Miguel Malvar, na irespeto ang mga bihag at tratuhin ng mabuti.


Sa Spanish memoirs ng military doctor ng mga tropang Kastila na si Dr. Santos Rubiano, sinulat niya na ang preso nila ay mansyon ng mayayaman sa Lipa at hindi sila kinulang ng pagkain. Walang torture at pagmamaltratong naganap. Paglipas ng mahigit isang taon, pinalaya rin sila at pinayagang umuwi sa Espanya.

Tila nais ipahayag ng mga lider sa Batangas na kahit nasa ilalim ng batas militar ang probinsya, magiging makatao ang pamamalakad nila, at maaaring gamitin ang utak at magandang ugali sa halip lang ng dahas upang manalo sa isang digmaan.


Bagamat dumating ang puwersa ng mga Amerikano sa susunod na taon at talagang dinaan sa walang-awang dahas ang pagdurog sa mga Pilipino, buhay pa rin ang alaalala ng ugali nila Heneral Malvar, Rizal, Marasigan at marami pang iba para magbigay inspirasyon sa kasalukuyang henerasyon.

At nang malaman ko ang magandang halimbawa nila sa gitna ng laban sa mga Kastilang umapi sa mga Pilipino ng ilang siglo, natuklasan ko ang pangarap ko para sa sarili bilang isang Pilipino: matapang pero hindi mapang-api, gumagamit ng talino at hindi lang dahas kung kinakailangan. At kapag may pagkakataon, tatratuhin ng makatao ang mga matalo.

Kaya mula noon, sinabi ko sa sarili, ako’y hindi lang isang Pilipino, kundi isang Batangueño. At ngayo’y nais kong magpasalamat sa kagitingan ng ating mga ninuno. Sana’y mabuhay ang kanilang dangal sa bawat Batangueño, sa inyong lahat, at sa lahat ng Pilipino.

Total
0
Shares
Previous Article

The Pilgrimage Called LIFE

Next Article

<strong>FAITH@24: We Are Many, Yet We Are One</strong>

Related Posts